Nagpahayag ng kagustuhan si Supreme Court Associate Justice Edgardo Delos Santos na maagang mag-retiro sa pwesto.
Sa isang pahayag, sinabi ni SC Spokesperson Brian Keith Hosaka na ang dahilan ng maagang pagreretiro ni Delos Santos ay dahil sa kanyang kalusugan.
Dagdag pa ni Hosaka, bago ang anunsyo ng mahistrado, sinabihan na nito agad ang kanyang mga tauhan nitong Marso 19 na magsimula nang maghanap ng trabahong pwedeng lipatan.
Batid ani Delos Santos ang hirap ng paghahanap ng trabaho ngayong may pandemya kaya’t kahit mahirap sa kanyang damdaming iwan ang mahal niyang mga kasamahan ay kailangan niya itong sabihin ng maaga.
Ang pagreretiro ni Delos Santos, ay isang taong mas maaga sa kanyang mandatory retirement sa Hunyo 12, 2022.
Kasunod nito, nagpasalamat si Delos Santos sa mga kasamahan niyang mahistrado at ilang mga tauhan.