Pinaboran ng korte suprema ang naging desisyon ng Office of the Ombudsman sa kaso ng isang security guard sa Bureau of Customs na may kaugnayan sa hindi umano nito pagdedeklara ng assets sa kanyang SALN o Statements of Assets, Liabilities and Networth.
Batay sa desisyon ng unang dibisyon ng mataas na hukuman, binanggit na tama ang naging pasya ng ombudsman sa ginawa nitong pagbasura sa mga kasong falsification, perjury at paglabag sa code of conduct and ethical standards for public officials and employees laban kay Clemente Del Rosario Germar.
Si Germar ay naging security guard ng BOC mula noong April 1979 at nag-resign naman noong October 2015.
Bumagsak si Germar sa lifestyle check na isinagawa ng Department of Finance-Revenue Integrity Protection Service o DOF-RIPS kung saan lumabas na may mga assets ito na hindi i-dineklara sa kanyang SALN mula 2002 hanggang 2005 tulad na lamang ng residential property, piggery, at isang apartment.
Sa pasya ng ombudsman, ibinasura nito ang ilang kaso laban kay Germar na kinabibilangan ng falsification, perjury at iba pa dahil lagpas na ito sa precription period o sa panahon na dapat naisampa ang mga kaso.
Ayon naman sa korte suprema, hindi umabuso sa kapangyarihan ang ombdusman nang ibasura nito ang mga nasabing kaso lalo pa’t may kapangyarihan ang anti-graft office na tukuyin kung may probable cause ang isa kaso o kung anong anong information o kaso ang dapat isampa sa korte. — mula sa ulat ni Patrol 13 Gilbert Perdez sa panulat ni Hyacinth Ludivico