Sakaling sumama ang panahon, naglaan ng mga sasakyan ang Korte Suprema para sa mga sasabak sa bar examinations na magsisimula Nobyembre 5.
Batay sa contingency plan ng Supreme Court Public Information Office, magde-deploy ang mataas na hukuman ng sampung bus para ihatid at sunduin ang mga examinees sa venue ng pagsusulit sa University of Santo Tomas o UST sa Maynila.
Kabilang naman sa pick-up points ang Quezon City Memorial Circle (2 buses), Park and Ride, Lawton, Manila (1 bus), Supreme Court Compound, Taft Avenue, Manila (2 buses); EDSA – Magallanes Flyover, Pasay City (2 buses); Greenbelt at Glorietta, Ayala Center, Makati (2 buses); at Marikina Sports Complex (1 bus).
Ayon sa Korte Suprema, sakali namang abutin ng baha ang unibersidad, ihahatid ang mga bar examinees sa pupuntahan nilang examination buildings.
Pinaalalahanan naman ang mga examinees na isasara ang Roxas Boulevard sa Maynila sa Nobyembre 12, ang ikalawang linggo ng pagsusulit, dahil naman sa Association of Southeast Asian Nations o ASEAN Summit.