Nagpasya na ang Korte Suprema bilang Presidential Electoral Tribunal (PET) na ilabas ang committee report hinggil sa resulta ng recount sa electoral protest ni dating senador Bongbong Marcos laban kay Vice President Leni Robredo.
Ayon kay Supreme Court Spokesman Brian Keith Hosaka, nakasaad sa resolusyon ng PET na bigyan ng kopya ng committee report ang kampo ni Marcos at kampo ni Robredo.
Inatasan din ng PET sina Marcos at Robredo na magsumite ng kanilang komento sa committee report sa loob ng 20-araw.
Ang recount ay isinagawa sa Negros Oriental, Iloilo at Camarines Sur na pinili mismo ni Marcos.
Matatandaan na Setyembre pa umano natapos ni Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa ang committee report na nagdedetalye sa official tally ng recount at kapwa sinasabi ng magkabilang panig na nalamangan nila ang isa’t isa.
Samantala, inatasan rin ng Korte Suprema ang magkabilang kampo na maghain ng memoranda sa loob ng 20-araw hinggil sa mosyon ni Marcos na ipawalang-bisa ang resulta ng eleksyon sa pagkabise presidente sa Lanao Del Sur, Basilan at Maguindanao.
Nilinaw ni Hosaka na walang inilabas na desisyon ang PET sa electoral protest ni Marcos laban kay Robredo.
The fact is there is a resolution ordering the release of the results of the recount and revision of ballots in the parties,” ani Hosaka. — ulat ni Bert Mozo (Patrol 3)