Nilinaw ng Supreme Court na mayroon silang ipinatutupad na Internal Rules kaugnay sa mga nadesisyunang kaso.
Ayon sa Korte Suprema, ipinaiiral ang Internal Rules sa lahat ng kaso, kabilang na rito ang kaso ni dating Pangulo ngayo’y Pampanga Representative Gloria Arroyo.
Sa ilalim ng Section 6, Rule 13 na may kinalaman sa “manner of adjudication,” ang desisyon na tumutukoy sa merito ng kaso na may mahalagang doctrinal value ay kinakailangang naglalaman ng facts of the case o salansan ng kaso at ang batas na pinagbatayan ng desisyon.
Kinakailangan ding ang desisyon ay nilagdaan ng lahat ng mga mahistrado na nakisali sa deliberasyon ng kaso.
Nakasaad naman sa Section 9, Rule 13 na ang orihinal na kopya ng lahat ng desisyon at resolusyon kasama na ang separate, concurring at dissenting opinion ay isinusumite sa Chief Justice.
Kapag promulgated na ang desisyon, ang Clerk of Court ang titiyak na maisisilbi ito sa lahat ng mga partido.
Wala umanong nakasaad sa Internal Rules na nagpapahintulot sa punong mahistrado na kumuha lamang ng bahagi kagaya ng Dispositive Portion mula sa desisyon na hindi pa nalalagdaan at nasesertipikahan.
Dahil dito, hindi dapat palitawin na naaantala ang pagpapalabas sa desisyon ng kaso ni Congresswoman Arroyo, dahil may panuntunan na kinakailangang sundin at ipatupad ukol dito.
By: Meann Tanbio