Muling maghaharap at magtatalo sa Korte Suprema ang oposisyon at ang pamahalaan.
Sa harap ito ng nakatakdang oral arguments para sa pag-urong ng Pilipinas sa International Criminal Court o ICC sa August 14, ganap na alas-2:00 ng hapon.
Ang ICC ay nilikha upang litisin ang mga international crimes tulad ng genocide, crimes against humanity, war crimes at crimes of agression.
Ang oposisyon bilang petitioners at ang pamahalaan bilang respondent ay kailangang magpaliwanag kung dapat o hindi dapat kilalanin ng Korte Suprema ang petisyon na kumukuwestyon sa pag-urong ng Pilipinas sa ICC.
Kabilang pa sa mga pagtatalunan ay kung sapat na ang note verbale na ipinadala sa Secretary General ng United Nations para pawalang bisa ang pagiging miyembro ng bansa sa ICC o kung ang pag-urong sa ICC ay paglabag sa obligasyon ng Pilipinas sa international law.
Senator De Lima
Samantala, hiniling ng opposition senators sa Korte Suprema na payagang makadalo at makilahok si Senador Leila de Lima sa oral arguments sa petisyong kumukuwestyon sa pag-urong ng Pilipinas bilang miyembro ng International Criminal Court o ICC.
Sa kanilang inihaing manifesto, sinabi ng mga senador na mas nanaisin nilang si De Lima ang makipag-debate sa kanilang posisyon sa isyu.
Nagpahayag ng pag-asa ang mga senador na hindi gagawing hadlang ng Korte Suprema ang pagkakulong ni De Lima at papayagan itong maidepensa ng personal ang kanilang pagkuwestyon sa pag-urong ng bansa sa ICC.
Ang manifesto ay inihain nina Senador Francis Pangilinan, Franklin Drilon, Bam Aquino, Risa Hontiveros at Antonio Trillanes.
—-