Pinaalalahanan ng Korte Suprema sina Vice President Leni Robredo at dating senador Bongbong Marcos sa kautusan sa kanila ng katas-taasang hukuman na iwasang magbigay ng komento sa kanilang electoral protest.
Tinukoy na halimbawa ni Supreme Court Spokesman Brian Keith Hosaka ang pagpapa-interview ni Atty. Romulo Macalintal, abogado ni Robredo, hinggil sa posibleng kalabasan ng kaso.
Ayon kay Hosaka, maingat ang ginagawang pagbusisi ng mga mahistrado sa electoral protest dahil may kinalaman ito sa pangalawang pinakamataas na opisyal ng ating bansa.
Inaasahang pag-uusapang muli ng mga mahistrado ng Korte Suprema ang isinumiteng report ni Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa hinggil sa resulta ng recount sa Camarines Sur, Ilo-ilo at Negros Oriental.