Mabilis na naisama sa agenda ng Supreme Court en banc ang very urgent motion for reconsideration ni Solicitor General Jose Calida na humihirit na mapawalang-bisa ang prangkisa ng ABS-CBN Corporation.
Sinabi ni Supreme Court (SC) spokesman Atty. Brian Hosaka na matapos ang en banc session, nagdesisyon ang mga mahistrado ng SC na bigyan na ng pagkakataon ang respondent sa petisyon ni Calida o ang ABS-CBN na maghain ng komento sa loob ng 10-araw.
Kasama sa pinagkokomento ng high tribunal sa Calida quo warranto petition ang subsidiary ng Kapamilya network na ABS-CBN Convergence Incorporated.
Sa petisyon ng SolgGen, inabuso umano ng ABS-CBN ang pribilehiyo na ipinagkaloob ng estado nang maglunsad ito ng pay-per-view channel sa ABS-CBN TV Plus at KBO Channel ng walang pahintulot o permiso mula sa National Telecommunications Commission (NTC).
Subalit ayon sa ABS-CBN, authorized ng NTC ang paggamit ng ABS-CBN ng conditional access sytem software na ginagamit nito sa pay-per-view at wala ring sinasabi ang prangkisa ng ABS-CBN na bawal itong mag-pay-per-view.
Mayroon ding certificate of good standing ang ABS-CBN TV Plus sa NTC noong 2019.