Pinayagan ng Korte Suprema ang live media coverage sa magiging pagbasa ng sakdal kaugnay sa Maguindanao massacre case.
Ito mismo ang kinumpirma ng Korte Suprema sa pulong-balitaan nito ngayong Martes, ika-9 ng Disyembre.
Ayon sa Assistant Court Administrator at Public Information Office chief ng Korte Suprema na si Brian Keith Hosaka, ito’y sa pamamagitan ng People’s Television (PTV-4).
Gayunman, may ilang panuntunan namang inilatag si Hosaka hinggil sa naturang live coverage dahil aniya sa mahigpit na seguridad at limitadong espasyo sa lugar na pangyayarihan ng paghatol.
Dalawang camera lamang aniya ang papayagan sa loob ng courtroom —mamanduhan ito ng PTV-4 ngunit sa mahigpit na pagsubaybay at pamamahala ng Supreme Court Public Information Office.
Korte Suprema sa live media coverage sa Maguindanao massacre verdict: Two (2) cameras allowed inside the courtroom will be manned by PTV-4, subject to strict control and supervision by the Supreme Court Public Information Office.
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) December 10, 2019
Hindi rin papayagan sa loob ng courtroom ang mga cellphone, mga camera, recorders o anumang uri ng recording gadgets maliban sa camera ng PTV-4 at ng Korte Suprema.
Pinapayagan naman aniya na mag-hook up sa PTV-4 ang lahat ng media outfits pati na ang mga foreign correspondents.
Posible namang ilabas, ani Hosaka, ang buong resolusyon at panuntunan hinggil sa live coverage sa huling bahagi ng linggo.
Samantala, nakatakdang ianunsyo ang hatol hinggil sa Maguindanao massacre case sa darating na ika-19 ng Disyembre sa ganap na alas-9 ng umaga sa Quezon City Jail Annex sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Magugunita namang maraming mga organisasyon, news outfits at government communications agencies ang humiling na payagan ang nabanggit na live coverage.