Ibinasura ng Korte Suprema ang mga petisyon na kumukuwestiyon sa ligalidad ng paghihimlay kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Ito ay base sa botong 9-5 sa idinaos na deliberasyon sa Korte Suprema.
Ang pagbasura ng hukuman sa petisyon ay nangangahulugan na hindi nakitaan ng grave abuse of discretion ang memorandum ng Department of National Defense na nag-aatas ng preparasyon para sa paghihimlay kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Ang mga bumoto pabor sa Marcos burial sa Libingan ng mga Bayani ay ang mga sumusunod: Associate Justices Arturo Brion, Presbitero Velasco Jr, Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, Mariano del Castillo, Jose Perez, Teresita de Castro, Jose Mendoza, and Estela Perlas-Bernabe.
Ang mga tutol naman ay sina CJ Maria Lourdes Sereno, Senior Assoc. Justice Antonio Carpio, Assoc. Justices Francis Jardeleza, Benjamin Caguioa, at Marvic Leonen.
Isa naman ang nag-inhibit, si Justice Bienvenido Reyes.
“Parang nagbago bigla ang kasaysayan”
Tila nagbago ang kasaysayan kaugnay sa malagim na sinapit ng human rights victims sa kamay ng gobyerno ng dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ayon ito kay dating Bayan Muna Partylist Representative Neri Colmenares matapos paboran ng Korte Suprema ang pagpapalibing sa dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Sinabi sa DWIZ ni Colmenares na nakakagalit ang nasabing desisyon ng High Tribunal subalit tuloy ang laban nila.
Bahagi ng pahayag ni dating Congressman Neri Colmenares
Marcos camp
Nagbunyi ang mga taga-suporta ng pamilya Marcos kasunod nang pagpabor ng Korte Suprema sa paghihimlay sa yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Sa botong 9-5-1, pinahintulutan ng Supreme Court En Banc na ituloy na ang pagpapalibing kay dating Pangulong Marcos sa naturang sementeryo.
Ayon kay Supreme Court Spokesman Theodore Te, walang grave abuse of discretion sa panig ng gobyerno dahil wala umanong batas na nagbabawal na mailipat ang mga labi ni Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
By Judith Larino | Aya Yupangco (Patrol 5) | Avee Devierte / Bert Mozo