Ikinabahala ng Commission on Elections (COMELEC) ang naging desisyon ng Korte Suprema na pahintulutan ang pag-i-issue ng resibo sa araw ng halalan.
Ayon kay COMELEC Chairman Andres Bautista, malaki ang magiging epekto ng pasya ng Supreme Court sa kanilang preparasyon para sa May 9 elections.
Ito anya ang dahilan kaya’t nagpatawag na siya ng emergency meeting mamaya upang talakayin ang magiging hakbang ng poll body.
“Nabigla kami dahil hindi namin akalaing biglaang mapagpapasayahan yan ng ating Korte Suprema, kaya kami nagpatawag kami ng emergency meeting sa COMELEC para i-assess kung papano ito makakaapekto sa aming paghahanda sa darating na halalan.” Ani Bautista.
Nangangamba naman si Bautista na abutin ng ilang araw ang bilangan at makaaapekto rin ito sa mga gurong magsisilbing board of election officer.
“Ang mangyayari diyan sa susunod na araw na matatapos ang halalan, syempre ang mga teacher natin kawawa naman dahil gigising sila ng maaga pero hindi nila alam kung anong oras matatapos ang pagbibilang, kailangan pang i-transmit yan, kailangan pang mag-imprenta ng mga election returns, hindi lang naman ito usapang legal eh, merong practical, operational at technical matter na dapat intindihin ng ating korte.” Pahayag ni Bautista.
By Drew Nacino | ChaCha