MAITUTURING nang paso ang petisyon na inihain para kanselahin ang Certificate of Candidacy (CoC) ni 2022 presidential candidate at dating senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.
Ito ay kung pagbabasehan ang naging pasya noon ni dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio sa “Ty-Delgado v. HRET” case.
Sa SC decision, ang disqualification case na inihain dahil sa conviction ng kandidato sa krimen na sangkot ang usapin hinggil sa “moral turpitude” ay dapat mapapaso na limang taon pagkalipas mapanilbihan ang sentensya sa ilalim ng Section 12 ng Omnibus Election Code.
Sa desisyon, pinagbasehan ni Carpio ang Teves vs. Comelec sa computation ng nasabing disqualification.
Ayon kay Carpio, dahil napanilbihan na ng pulitiko ang kanyang sentensya nang mabayaran niya ang multa noong February 17, 2011, ang five-year period ay nagtapos na ng February 16, 2016.
Nabatid na si Marcos ay nakapagbayad na ng kanyang multa.
Dahil dito, kung susundin ang SC ruling, tapos na ang five-year disqualification period kay Marcos.
Malinaw rin sa 1997 tax case na dininig ng Court of Appeals na ang mga nakahabla laban kay Marcos ay hindi tungkol sa hindi pagbabayad ng buwis o tax evasion kundi “failure to file an income tax returns”.