Binatikos ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang naging hatol ng Korte Suprema na pumabor sa Marcos burial.
Ayon kay CBCP President at Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, masakit at nagdudulot ng kalituhan ang desisyon ng mga mahistrado lalo na sa mga biktima ng pang-aabuso at karapatang pantao.
Babala ni Villegas, hindi maghahatid ng kapayapaan at pagkakaisa sa bansa ang pagpapahimlay kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani o LNMB.
Kasabay nito, maging si Sorsogon Bishop Arturo Bastes ay nadismaya rin sa desisyon ng mataas na hukuman sa pagsasabing hindi ito makatutulong sa mga nagdusa sa Martial Law para makapag-move on.
Kung may mga tumutol na obispo at arsobispo, may mga nagpahayag naman na dapat tanggapin ang desisyon ng Korte Suprema hinggil sa hero’s burial ni dating Pangulong Marcos.
Matatandaang malaki ang naging papel ng Simbahang Katolika sa EDSA People Power Revolution matapos itong pangunahan ng yumaong si Jaime Cardinal Sin.
Ayon kina Lipa Archbishop Ramon Arguelles at Cubao Bishop Honesto Ongtioco, mahalagang igalang ang hatol ng Supreme Court bilang final arbiter sa lahat ng mga usaping legal.
Giit nina Arguelles at Ongtioco, ang importante ay maililibing na rin sa wakas ang dating Pangulo, bayani man o hindi ang turing ng ilan, dahil dapat anilang irespesto ang patay.
Nanawagan naman si Balanga Bishop Ruperto Santos sa lahat na ipanalangin na hindi sana ito magdudulot ng pagkakahati-hati ng mga Filipino.
By Jelbert Perdez