Nasakote sa loob ng New Bilibid Prison, Muntinlupa City ang peke at nagpapanggap sa social media bilang si Atty. Vic Rodriguez, tagapagsalita ni presumptive president Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Kinilala ng National Bureau of Investigation ang suspek na si Ryan Ace Castillejos na nakapiit sa NBP Maximum Security Compound.
Kinumpirma ni Justice Secretary Menardo Guevarra na pinagsisilbihan ni Castillejos ang dalawang taong sentensya sa kasong Two counts of Qualified Theft.
Nadiskubre ang modus ng suspek matapos madakip ang kasabwat umano niyang si Caseilyn Dela Cruz, 31- anyos at residente ng Barangay Lolomboy, Bocaue, Bulacan noong April 18.
Si Dela Cruz ang taga-kolekta umano ng mga nakukulimbat ni Castillejos sa kanyang mga biktima bagaman palaisipan kung paano nakapagpuslit ang suspek ng cellphone sa loob ng selda.
Bukod kay Rodriguez, nagpanggap din umano si Castillejos bilang sina PNP Officer-in-Charge, Lt. Gen. Vicente Danao at Liza Araneta-Marcos na asawa ni BBM.
Nakumpiska sa selda ng suspek ang notebook kung saan nakalista ang pangalan ng panganay na anak nina BBM na si Sandro Marcos kasama sina dating Vice President Jejomar Binay, Customs Commissioner Rey Guerrero at Pasig City Mayor Vico Sotto.
Modus ni Castillejos na magpanggap at humingi ng pera mula sa mga supporter ni Marcos para umano sa mga apektado ng kalamidad at kabilang din sa tinangka nitong biktimahin si Volunteer Against Crime and Corruption President Arsenio Evangelista.