Ibinabala ni dating Congressman Roilo Golez na maaaring target ng China na i-reclaim, ay ang Scarborough shoal.
Ipinaliwanag ni Golez na ito ay dahil napakalawak ng naturang bahura, at tiyak na malaking military installation ang kanilang maitatayo dito.
“Analysis eh pagdating ng panahon ay ire-reclaim din nila itong Scarborough shoal na napakalaki. Ang area sa loob ng Scarborough shoal ay kasinglaki ng Quezon City, andaming bapor ang puwede nilang ilagay diyan, at napakaraming mahabang airstrip na puwede nilang gawin, pag nagawa nila yan, yan ang tinatawag na strategic triangle, mako-kontrol nila ng husto ang buong South China Sea.” Ani Golez.
Binigyang diin din ni Golez na mahalagang malaman ng pamahalaan kung ano ang napagkasunduan ng kinatawan ng China at Amerika, sa kanilang pulong sa Amerika, upang matiyak na hindi tayo kasama sa mga magiging casualty nito.
“Hopefully, kung talagang magiging mahusay ang relationship ng China at Estados Unidos, magiging mapayapa ang mundo, kaya lang baka naman kasama tayo sa bargaining, baka sabihin nila sige hindi kami makikialam diyan huwag lang kayong manggulo, huwag niyo kaming guluhin, hindi tayo dapat pumayag doon.” Pahayag ni Golez.
By Katrina Valle | Kasangga Mo Ang Langit