Isinusulong sa kamara ang pagkakaroon ng scholarship at lifetime pension para sa mga naiwang pamilya ng mga namatay na frontline workers dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Senior Citizen party-list Representative Francisco Datol Jr., isa aniya itong paraan para magpasalamat ang pamahalaan sa patuloy nilang pagseserbisyo sa harap ng banta ng virus.
Dagdag pa nito, dapat ding ituring na bayani ang mga pumanaw na medical frontliner at ibigay ang mga pribilehiyo ng isang yumaong bayani tulad ng paglatag ng watatwat sa mga kabaong nito at ang 21-gun salute oras na sila’y ilibing.
Bukod pa riyan, hiniling din ng mambabatas na gawaran ng permanent civil service eligibility ang mga makaliligtas na health workers sa oras na matapos ang laban kontra COVID-19.