Ibinunyag kamakailan ni Cebu Representative Gerald Anthony Gullas na mas lumalala ang kaso ng bullying sa paaralan.
Batay sa kanyang datos, hindi raw bababa sa 31 insidente ng school bullying ang naiuulat araw-araw.
Kung susumahin ito, aabot na sa higit kumulang anim na libong (6,363) kaso ng bullying ang naitatala sa pampubliko at pribadong paaralan noong 2014, ibig sabihin tumaas ng 21 porsyento kung ikukumpara ito sa higit kumulang limang libong (5,326) noong 2013.
At batay sa analysis ni Rep. Gullas ang pagtaas ng kaso o insidente ay dahil sa hindi pa rin gaano naipapatupad ang Child Protection Committee sa bawat paaralan.
Kung kaya’t dahil walang malalapitan ang mga biktima, dahil sa mga kadahilanan tulad ng takot na baka sila ay balikan o bweltahan kung sila ay magsusumbong.
Isa rin sa dahilan, ay ang hindi sapat ang training o kaalaman ng mga school officials kung papaano nila i-handle ang mga ganitong mga insidente tulad ng bullying na isang kaso ng child abuse.
Tulad ko, bilang isang magulang, nagkaroon ng kaso ng school bullying ang paaralan na pinapasukan ng aking anak.
Bagamat hindi biktima rito ang aking anak, ang nakababahala lamang ay sa klase nila nangyari ang bullying.
Mas matindi na ang paraan ng bullying ng mga kabataan ngayon, ito ay hindi dinadaan sa physical na pananakit, kundi ito ay sa paraan ng liham na para sa akin ang siyang pinaka-masakit maranasan ng isang estyudante.
Sa liham na ibinahagi ng aking mga kapwa magulang ay talaga namang hindi mo aakalaing bata ang may gawa nito, dahil sa mga ginamit na pangungusap, lengwahe at salita ay talagang masasabi mong sobra na ang epekto ng sobrang social media.
Idinaan kasi ang bullying sa pagtukoy sa isang estyudante na “bading” at dito inilahad ang mga masasamang salita.
Ang nakakatakot ay baka hindi ito makayanan ng estyudanteng tinutukoy sa liham, na maaring humantong sa pagpapatiwakal kung hindi ito maagapan.
Kaya’t may agam-agam ang mga magulang na baka ito ay hindi kayang lutasin ng paaralan, kaya’t mungkahi naming ay idaan ito sa legal at mapanagot ang batang isinasangkot sa bullying.
Hangga’t maari, kapag may ganitong insidente, huwag ipagsawalang bahala dahil possible itong humantong sa komplikadong kaso.
Alalahanin niyo, na ang bullying ay labag sa batas na dapat may karampatang parusa ang igawad sa mga mapapatunayang nagkasala!
Itigil na ang School Bullying!