Nasawi ang isang scuba diver sa Sipalay City, Negros Occidental matapos atakihin sa puso.
Kinilala ng Sipalay Emergency Assistance and Rescue Services ang nasawi na si Henry Aguillon, 57 anyos, residente ng Himamaylan City at miyembro ng Philippine Life Saving Society (PLS).
Batay sa imbestigasyon, kasama ni Aguillon noong Martes ang apat pang miyembro ng PLS nang magscuba diving sa isang resort sa Barangay Kwatro.
Ngunit naipit sa coral reefs ang biktima dahilan para atakihin sa puso at malunod.
Tinangka pang dalhin sa Sipalay City Health Office ang scuba diver pero idineklara itong dead-on-arrival.
Maliban sa pagiging miyembro ng PLS, si Aguillon ay dating self-defense, water safety and basic life support instructor, at ngayon ay co-founder ng Negros Rescue Federation at Special Personnel for Emergency Assistance and Rescue Services.