Maaga pa lang ay tila nangangamba na ang Philippine athletic community sa papalapit na Southeast Asian Games (Sea Games) na gaganapin sa Kuala Lumpur, Malaysia ngayong taon.
Ito ang ipinahayag ni Anthony Suntay, sports commentator sa kanyang programang Real Sports sa IZ Balita Nationwide sa kadahilanang nagtanggal ang Malaysian Sea Games committee ng ilang sports category para sa kompetisyon na kinabibilangan ng women’s billiards division, women’s weightlifting division kung saan naging tanyag si Hidilyn Diaz, ang kauna-unahang Pilipina na nakakuha ng Silver Medal sa Olympics noong nakaraang taon.
Pagdating sa men’s events, nagtanggal din ang komite ng ilang boxing categories katulad ng 60 kg at 69 kg kung saan maraming Pilipino ang nananalo ng gintong medalya.
Dagdag pa ni Suntay, maaaring makaapekto ito sa sa over-all standing ng Pilipinas dahil ‘yung mga sports category kung saan malakas ang mga Pinoy ay unti-unti nang tinatanggal.
May ilang mga Pinoy sports enthusiast na ang nag-petisyon patungkol sa isyu ngunit ayon sa mga ito, mukhang malabo nang mangyari ang kanilang mga hinihingi na huwag tanggalin ang ilang sports category dahil sa ilang mga kadahilanan.
Ayon kay Suntay, ito ang nagiging problema o isyu sa Sea Games, dahil ayon sa panuntunan, ang host country ay may kaukulang karapatan na magdagdag at magtanggal ng mga kategorya.
Aniya, noong ginanap din naman ang Sea Games sa bansa, mayroon ding mga natanggal at nadagdag na sports kung saan malakas ang atletang Pinoy katulad ng billiards.
Ika nga ni Suntay, “you live and die with that kind of system.”
By Ira Yuson Cruz