Bagaman nakararanas pa rin ng manaka-nakang mga pag-ulan sa nakalipas na magdamag, unti-unti nang bumabalik sa kani-kanilang mga tahanan ang mga nagsilikas dahil sa bagyong Agaton sa Baybay City sa Leyte.
Ito ang ipinabatid ni Police Regional Office 8 Director, P/BGen. Bernard Banac makaraang hagupitin ng bagyo ang naturang lungsod gayundin ang malaking bahagi ng Eastern Visayas.
Ayon kay Banac, ilan sa mga residente sa Baybay City ang naglilinis na ng kanilang mga naiwang tahanan maliban na lamang sa mga lugar na tinabunan ng nangyaring landslide.
Dahil delikado na kagabi ang sitwasyon, sinabi ni Banac na ipinagpaliban muna ang Search, Rescue and Recovery Operations para na rin sa kaligtasan ng mga rescuer at kanila namang ipagpapatuloy ngayong araw.
Batay sa pinakahuling datos ng Baybay City Disaster Risk Reduction and Management Council, aabot sa 36 na ang bilang ng mga naitala nilang nasawi, 27 ang nawawala habang nasa 105 ang naitalang sugatan. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)