Muling ipinagpatuloy ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang paghahanap sa nawawalang beechcraft sa bayan ng San Jose, Occidental Mindoro ngayong araw.
Ito ang inihayag sa DWIZ ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Spokesman Eric Apolonio matapos ang misteryosong pagkawala nito sa radar nang mag-take off ito nuong Biyernes ng umaga.
Sinabi ni Apolonio na tulung-tulong na aniya ang mga puwersa ng Philippine Navy, Philippine Air Force, Philippine Coast Guard at ang CAAP upang mapabilis ang kanilang paghahanap.
Sakaling matagpuan na ang nawawalang eroplano gayundin ang Pilipinong piloto at Saudi Arabian national na student pilot nito, sinabi ni Apolonio na duon na papasok ang kanilang airline investigator upang tukuyin kung sino ang dapat managot at kung may kapabayaan bang nangyari sa insidente.