Nagkasa na ng search and rescue operations ang militar para matunton ang kinaroroonan ng limang mangingisdang Indonesians na dinukot ng bandidong Abu Sayyaf noong nakaraang linggo.
Ayon kay Western Mindanao Command Chief, Lt. General Cirilito Sobejana, Huwebes noong nakaraang linggo nang dukutin ng Abu Sayyaf group ang walong Indonesians habang nasa karagatan ng Sabah Malaysia.
Sinabi ni Sobejana, tatlo sa mga ito ang pinalaya ng mga bandido habang lima naman ang hinihinalang dinala sa Sulare Island o sa Parang sa Sulu.
Agad namang nakipag-ugnayan ang mga otoridad ng Malaysia sa Armed Forces of the Philippines (AFP) hinggil sa insidente kung saan positibong tinukoy ng tatlong pinalayang Indonesian fishermen ang speed boat na ginamit ng Abu Sayyaf para tangayin ang kanilang mga kasamahan.