Tila nagbalik na sa pre-pandemic normal ang sitwasyon sa bahagi ng seaside boulevard sa Mall of Asia, Pasay City kagabi.
Ito’y dahil sa bukod sa tinaguriang payday friday kahapon ay sinasamantala rin ng karamihan ang long weekend dahil sa Bonifacio Day sa Lunes, Nobyembre 30.
Sa pag-iikot ng DWIZ patrol sa nasabing lugar, tila hindi na nasusunod ang physical distancing, ang ilan ay hindi na tama ang pagsusuot ng facemask habang ang iba ay hindi na rin nakasuot ng faceshield.
Naging atraksyon din sa nasabing lugar ang sumadsad na cargo vessel na Peter Ronna sa dalampasigan ng Manila Bay noong kasagsagan ng bagyong Ulysses.
Una nang nagbabala ang National Task Force against COVID-19 sa posibleng pagsipang muli ng mga kaso ng virus sa bansa dahil sa marami ang maglalabasan sa kanilang mga bahay upang mamasyal at mamili ng kanilang pangregalo ngayong Kapaskuhan.