Iginiit ni Special Assistant to the President Secretary Cristopher Bong Go na wala siyang kabalak-balak na tumakbo sa pagka-Senador.
Ito’y matapos magbiro si Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang talumpati kamakailan na dapat umanong gamitin ni Go ang ikinakasang pagdinig ng Senado sa sandaling mag-ambisyon itong maging Senador.
Magugunitang nakaladkad ang pangalan ni Go nang mailathala sa online news site na Rappler ang tila panghihimasok umano nito sa pagbili ng mga bagong barko ng Philippine Navy.
Giit ng kalihim, wala aniya sa kaniyang hinagap ang pagtakbo sa alinmang posisyon sa gubyerno dahil kuntento na siya na paglingkuran ang Pangulo mula nuong una hanggang sa katapusan ng mundo.
Kasunod nito, tiniyak ni Go na handa siyang humarap sa ipatatawag na pagdinig ng Senado upang malinis sa anumang uri ng pagdududa ang kaniyang pangalan at patunayang hindi siya nakikialam sa mga proyekto ng pamahalaan.
Ulat ni DWIZ Patrol Reporter Jopel Pelenio
Posted by: Robert Eugenio