Nanindigan si Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na walang itinatago ang Pilipinas kaugnay sa human rights record sa gitna ng war on drugs ng Duterte Administration.
Ito ang inihayag ni Cayetano sa kabila ng mga batikos ng Amerika, United Nations at European Union sa anti-illegal drugs campaign ng gobyerno na nagresulta na sa kaliwa’t kanang patayan.
Sa pagdalo ni Cayetano sa U.N. General Assembly sa New York, U.S.A., ipinagmalaki ng kalihim ang adoption ng Philippine Report ng ikatlong universal periodic review sa U.N. Human Rights Council Session sa Geneva, Switzerland, noong Mayo.
Ang final adoption anya ng UPR report ng Pilipinas sa 36th Regular Session ng Human rights Council sa Geneva ay patunay na walang itinatago ang bansa pagdating sa issue ng human rights record.
Ipinunto ng kalihim na nananatili ang respeto at pangangalaga ng Pilipinas sa karapatang pantao.
SMW: RPE