Hinimok ni Agriculture Secretary William Dar ang publiko na humanap, bumili at kumain muna ng iba pang uri ng isda bilang alternatibo sa galunggong.
Ito ay sa gitna rin aniya ng mataas na presyo ng galunggong bunsod ng umiiral na ‘closed fishing season’ para sa nabanggit na isda.
Ayon kay Dar, maaaring maging substitute ng galunggong ang tilapia, bangus at iba pang isdang-dagat na ‘di hamak na mas mura ang presyo.
Batay sa price monitoring ng Department of Agriculture, pumapalo na sa hanggang mahigit P300 ang presyo ng kada kilo ng galunggong.
Una na ring sinabi ni Dar na kanya nang inaprubahan ang pag-aangkat ng umaabot sa 45,000 metriko toneladang galunggong para matugunan ang kakulangan sa suplay at mapatatag ang presyo nito sa mga pamilihan.