Kinatigan ng Court of Appeals ang desisyon ng Security and Exchange Commission o SEC na nagdedeklara sa online social news website na Rappler na hindi isandaang porsyentong pagmamay-ari ng isang Filipino kung saan malinaw umanong paglabag sa Section 11 Article 16 ng 1987 Constitution.
Sa pitumpu’t dalawang (72) pahinang desisyon ng CA Special 12th Division sa panulat ni Associate Justice Rafael Antonio Santos pinagtibay nito ang naging kautusan ng SEC laban sa Rappler kabilang na rito ang pagbawi ng ahensya sa certificate of incorporation ng Rappler dahil na rin sa nabanggit na paglabag.
Kasabay nito, inatasan ng Court of Appeals ang SEC na agad magsagawa ng ebalwasyon kung mayroon bang legal na epekto ginawang donasyon ng Omidyar Network sa ilang mga opisyal ng Rappler sa pamamagitan na rin ng kanilang Philippine depositary receipts.
Magugunitang iginiit ng Rappler na hindi sila pumasok sa negosyo ng mass media kaya hindi umano sila sakop ng itinatakda foreign restriction ng Section 11 Article 16 ng 1987 Constitution dahil kung pagbabatayn umano ang deliberasyon ng Constitutional Commission ang mass media aniya ay tumutukoy lamang sa print at broadcast.
(Ulat ni Bert Mozo)