Pursigido si Finance secretary Benjamin Diokno na isulong at ipatupad ang planong Sovereign Wealth Fund (SWF).
Sa kabila ito nang pagkaka-alis sa Government Service Insurance System at Social Security System bilang orihinal na paghuhugutan ng pondo para sa SWF o Maharlika Investment Fund.
Ayon kay Diokno, mayroon namang maaaring ipalit sa GSIS at SSS, gaya ng Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines na may initial commitment na tig-P50-B o pinagsamang P100-B.
Sa panig naman ng Bangko Sentral ng Pilipinas, hindi na anya nito gagamitin ang foreign exchange para sa Maharlika Fund sa halip ay plano nilang hugutin ang 100% ng dibidendo nito upang pondohan ang SWF sa unang dalawang taon.
Sa mga susunod na fiscal years, idinagdag ng kalihim na i-re-remitt ng BSP ang kalahati ng declared dividends sa pondo habang ang nalalabing kalahati ang kukumpleto sa P250-B capital requirement ng Central Bank.
Batay sa datos ng kagawaran, aabot sa P23-B ang ini-remitt na dibidendo ng Bangko Sentral sa kaban ng bayan noong 2019; P17.9-B noong 2020 at P15.89-B noong isang taon.
Sa oras na makumpleto ang P250B peso capital commitment ng BSP sisimulan na ng Bangko Sentral ang pag-remitt ng 100% ng declared dividends nito sa Maharlika Fund.
Bukod sa BSP, idinagdag ni Diokno na mandato rin ng national government at Philippine Amusement and Gaming Corporation na magbigay ng kontribusyon sa SWF.