Nakatanggap ng parangal mula sa United Nations (UN) si Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (PAPRU) Secretary Carlito Galvez Jr. dahil sa pagtataguyod ng peace-building initiatives ng Pilipinas.
Ayon kay UN Resident Coordinator sa Pilipinas, Gustavo Gonzalez, naging matagumpay at nakamit ng bansa ang kapayapaan dahil narin sa “Commitment and Professionalism” ng kalihim.
Sinabi ni Gonzales na kanilang inimbitahan ang mga ambassador ng Australia, Canada, Norway, France, Japan, at European Union sa cocktail reception upang ibahagi kung paano pinamunuan ni Galvez ang pagpapalakas ng papel ng kababaihan at kabataan sa prosesong pangkapayapaan at pagbabago ng hidwaan, at proteksyon ng mga karapatang pantao na mahalaga upang mapanatili ang kapayapaan sa Pilipinas.
Pinasalamatan ni Galvez ang UN at iba pang International Development partners ng gobyerno sa kanilang naging kontribusyon at umaasang makikipag-tulungan ang un sa pamahalaan ng Pilipinas upang mas mapagtibay pa ang kapayapaan at pagkakasundo lalo na ng bagong administrasyon.
Hinimok ni Galvez ang susunod na administrasyon na suportahan ang mga tagumpay na nakamit sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Rodrigo Duterte.