Ibinunyag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang anito’y pakikialam ng China sa Philippine US mutual defense treaty.
Sinabi ni lorenzana na nakikialam ang ibang bansa kaya’t bigo ang Pilipinas at Amerika na repasuhin ang nasabing treaty na malaki ang tulong para mapalakas ang defense capability ng Pilipinas.
Sa katunayan, ipinabatid ni Lorenzana na sinabihan siya ng dating Chinese ambassador na huwag nang galawin o baguhin ang bahagi ng kasunduan.
Binigyang-diin ni Philippine Ambassador to US Jose Manuel Romualdez na dapat palakasin ang kasunduan lalo pa’t maraming hamon ang kinakaharap ng Indo Pacific Region.
Ayon naman kay bagong US Embassy Charge De Affaires Heather Variava, Pilipinas ang pinakamatandang kaalyado ng Amerika sa Asya at ang 70 taong gulang na MDT ay patunay ng magandang relasyon ng dalawang bansa.—mula sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)