Nanawagan sa mundo si Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay Jr. na huwag panghimasukan ang usaping panloob ng Pilipinas.
Sa kanyang talumpati sa United Nations General Assembly sa New York, binigyang diin ni Yasay na determinado ang Pangulong Rodrigo Duterte na sugpuin ang mga corrupt at bulok na sistema sa bansa, kabilang na ang talamak na drug trade.
Iginiit ni Yasay na may mandato ang presidente kaya’t hindi dapat pinanghihimasukan ng mga dayuhan ang kampanya nito laban sa krimen.
Ayon kay Yasay, tinutupad lamang ng Pangulong Duterte ang kanyang mga ipinangako noong panahon ng kampanya at katunayan tinatamasa nito ang 92 percent approval rating.
Idinagdag pa ng DFA official na nakapaloob sa saligang batas ng Pilipinas ang pagsusulong ng independenteng foreign policy para sa pambansang interes.
By Jelbert Perdez