Paiimbestigahan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pambansang pulisya ang nabunyag na sikretong kulungan ng Manila Police District Station 1.
Ayon sa Pangulo tinawagan niya si PNP Chief Ronald Bato Dela Rosa para aksyunan ang nabanggit na ulat sa MPD kung saan kinikikilan at tino-torture ang mga bilanggo.
Kasabay nito pinapurihan ng Malacanang si NCRPO Chief Director Oscar Albayalde sa mabilis na pag-aksyon sa ulat na mayroong secret jail sa isa sa mga sub-station ng Manila Police District.
Nakarating agad sa palasyo ang pagsibak ni Albayalde sa station commander ng MPD Station 1 na si Supt. Roberto Domingo, pati na rin ang hakbang ng Regional Internal Affairs Service para imbestigahan ang ulat na hinihingan umano ng malaking halaga kapalit ng paglaya ang mga nakakulong sa secret jail.
By: Jaymark Dagala / Aileen Taliping