Idineklarang ng Korte Suprema na unconstitutional ang Section 23 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act na nagbabawal sa plea bargaining deal sa mga kasong may kinalaman sa iligal na droga.
Ito ang isinasaad sa desisyon ng Supreme Court sa petisyong inihain ng akusadong si Salvador Estipona Junior sa pamamagitan ng Public Attorney’s Office.
Si Estipona ay nahulihan ng halos isang gramong shabu sa Legazpi City, Albay noong March 21 at sa kabila ng pagpayag ng prosekusyon na sila ay pumasok sa plea bargain deal, hindi ito pinayagan ni Judge Frank Lobrigo ng Legazpi RTC dahil sa Section 23 ng RA 9165.
Ayon kay Estipona, labag sa batas ang Section 23 dahil lumalabas na pinanghimasukan ng Kongreso ang kapangyarihan ng S.C. sa pagbalangkas at pag-apruba ng rules of procedure sa korte.
Nalalabag din umano ng Section 23 ang Section 1, Rule 118 ng rules of court na nagpapahintulot ng plea bargaining sa lahat ng mga kriminal na kaso.
Sa desisyon ng high court, tinukoy nito na hinahadlangan ng nasabing probisyon ang rule making authority ng Korte Suprema na ginagarantiyahan ng 1987 constitution.
Ulat ni Bert Mozo
SMW: RPE