Ibinaba na ng militar ang security alert nito sa Southern Luzon matapos ang pagdiriwang ika-47 anibersaryo ng New People’s Army (NPA), kahapon.
Ayon kay Lt. Col. Angelo Guzman, Spokesman ng AFP-Southern Luzon Command na naka-base sa Camp Nakar, Lucena City sa Quezon Province, natapos na rin ang paggunita sa Semana Santa kaya’t inilagay na nila sa white alert ang kanilang security at emergency preparedness sa southern Tagalog at Bicol.
Ang “white” ang pinakamababang antas ng security and emergency preparedness and response sa militar.
Nangangahulugan anya ito na normal ang sitwasyon at walang nagbabadyang security threat sa area of jurisdiction ng SolCom.
Bagaman inihayag ni Guzman na isang pangkaraniwang araw lamang founding anniversary ng NPA, inabisuhan ng opisyal ang lahat ng unit na manatiling mapagmatyag at tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng lahat ng mamamayan sa Southern Luzon at Bicol Region.
3 NPA members
Tatlong miyembro ng New People’s Army (NPA) ang patay matapos maka-engkwentro ng militar sa bayan ng Jabonga, Agusan del Norte, kasabay ng pagdiriwang ng 47th anniversary ng NPA, kahapon.
Nakubkob din ng 401st Infantry Brigade sa ilalim ni Col. Alexander Macario ang isa sa mga kampo ng NPA sa bulubunduking bahagi ng Jabonga.
Narekober sa kampo ang iba’t ibang uri ng baril, magazine, bala, land mines, generator set, medical equipment, handheld radio at subersibong dokumento.
Hindi naman idinetalye ng AFP kung may nalagas o nasugatan sa kanilang hanay.
By Drew Nacino