Nagpulong na ang security cluster ng gobyerno para i-assess ang sitwasyon sa West Philippine Sea kaugnay sa ipinosisyon umanong surface-to-air missile ng China sa isa sa pinag-aagawang mga teritoryo.
Ayon kay Pangulong Benigno Aquino III, pag-uwi niya ngayong araw mula sa biyahe sa Amerika ay mabibigyan na siya ng report hinggil sa issue.
Ipinabeberipika rin ng Pangulo sa Department of National Defense (DND) ang sinasabing presensiya ng missiles ng China sa Spratly Islands.
Mahirap anyang magbigay ng reaksyon sa ngayon dahil wala pa silang hawak na mga impormasyong magpatotoo sa sinasabing missiles ng Tsina sa pinag-aagawang teritoryo.
Woody Island
Kinumpirma ng China na may mga nakalagak silang armas sa Woody Island na bahagi ng Paracel Chain sa pinag-aagawang West Philippine Sea.
Inihayag ito ng China sa harap ng kaliwa’t kanang batikos hinggil sa lumalaking militarisasyon sa Southeast Asian Region.
Batay sa report ng pahayagang Global Times, isang kumpaniyang malapit sa Communist Party, walang bago sa paglalagak ng armas sa Woody Island lalo’t bahagi ito ng defense measures ng China.
Bagay na ikinaalarma ng Armed Forces of the Philippines o AFP na nagsabing posibleng malagay sa alanganin ang katatagan ng sitwasyon sa rehiyon.
Ayon kay Vice Admiral Alexander Lopez, Commander ng Western Command Philippine Navy, hindi ito ilalagay ng China sa nasabing isla kung hindi ito gagamitin.
Kabilang ang Woody Island sa mga pinag-aagawang teritoryo ng China, Taiwan at Vietnam na ilang kilometro lamang din ang layo mula sa extreme northern Luzon.
By Drew Nacino | Aileen Taliping (Patrol 23)