Kasado ang inilatag na security measures ng NCRPO o National Capital Region Police Office para sa ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 23.
Kasabay nito, tiniyak din ni NCRPO Director Chief Supt. Guillermo Eleazar na wala silang namomonitor na anumang banta sa seguridad sa nalalapit na SONA.
Ayon kay Eleazar, nakikipag-ugnayan din sila sa ibang pang peace and order agencies para sa pagtitiyak ng seguridad kabilang ang MMDA at Department of Public Order and Safety ng Quezon City government.
Dagdag ni Eleazar, bukod sa mga itinalagang pulisya, magbibigay alalay din aniya ang aabot sa 600 karagdagang pwersa mula sa Armed Forces of the Philippines.
Sinabi naman ni Eleazar, maximum tolerance ang kanilang ipatutupad sa iba’t ibang grupong magsasagawa ng rally kasabay ng SONA.
Wala aniyang ihaharang na mga container vans o barbed wire at hahayaan ang lahat ng mga nais mag-kilos protesta kahit walang permit.