Lagda na lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hinihintay para maging ganap nang batas ang Security of Tenure Bill na naglalayong tuluyang mawakasan ang endo o end of contract sa mga manggagawang Pilipino.
Ito ay ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, batay na rin aniya sa inihayag ng Presidential Legislative Liaison Office.
Sa ilalim aniya ng panukala, ipagbabawal na ang labor contracting at parurusahan ang mga lalabag dito na siyang magpapatibay naman sa seguridad sa trabaho ng mga manggagawa.
Sinabi pa ni Bello, kanya na ring naihain sa Malakanyang ang rekomendasyon na aniya’y makatutulong sa sektor ng paggawa.
Tiwala naman ang kalihim na lalagdaan ni Pangulong Duterte ang nasabing panukalang batas na una na ring sinertipikahan bilang urgent ng Malakanyang noong Setyembre.