Handang-handa na ang security plan ng Philippine National Police (PNP) para sa SONA o State of the Nation Address ni Pangulong Noynoy Aquino sa Lunes, Hulyo 27.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni PNP Chief Director General Ricardo Marquez na isasapinal nila ang security preparations sa pamamagitan ng isa pang coordinating conference.
Aniya, bagama’t wala silang nakakalap na intelligence report na may mga nagpaplanong guluhin ang gagawing ulat sa bayan ng Pangulo, mahigpit ang kanilang pakikipag-ugnayan sa ibang ahensya upang matiyak na magiging mapayapa ang SONA.
“Ang aming Director for Intelligence ang nagsabing walang threat, at wala kaming nakikitang bagay bagay na puwedeng makaapekto sa pagdaraos ng SONA n gating Pangulo.” Ani Marquez.
Kilos-protesta
Samantala, tinatayang nasa tatlumpung libong miyembro ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang lalahok sa isasagawang kilos protesta sa Lunes, Hulyo 27.
Kasabay ito ng huling State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Noynoy Aquino isang taon bago ang eleksyon 2016.
Kasunod nito, binigyan ng bagsak na grado ng KMU ang administrasyon dahil sa anila’y kabiguan nitong maisakatuparan ang mga repormang kaniyang ipinangako partikular sa sektor ng mga manggagawa.
Binigyang diin ng grupo ang 125 across the board wage bill na anila’y inamag na sa docket section ng kamara at hindi man lamang natalakay ng mga mambabatas.
Bigo rin ayon sa KMU ang administrasyon na supilin ang malaganap na kontraktuwalisasyon sa mga pribadong kumpaniya na kumikitil sa kabuhayan ng mga uring manggagawa.
By Jelbert Perdez | Kasangga Mo Ang Langit | Jaymark Dagala