Sumampa na sa 74 ang kabuuang bilang ng mga tinamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Kongreso.
Ito ay makaraang kumpirmahin ni House Secretary General Jose Luis Montales na isa pang security staff sa kongreso ang nagpositibo sa virus.
Ayon kay Montales, huling pumasok sa trabaho ang naturang staff noong ika-2 ng Setyembre.
Kaagad din umano itong isinailalim sa COVID-19 testing nang makaranas ng lagnat.
Nagpapatuloy naman ang isinasagawang contact tracing sa mga nakasalamuha ng nagpositibong empleyado.
Nagpaalala rin si Montales sa lahat ng mga miyembro ng Kongreso na magdoble-ingat laban sa virus upang maiwasan ang pagkalat pa nito.
Hindi na rin aniya dapat pumasok ng pisikal sa trabaho ang mga empleyadong nakaranas ng sintomas ng COVID-19 sa nakalipas na 14-araw.
Samantala, sa ngayon ay nasa 14 ang aktibong COVID-19 cases sa Kongreso. —ulat mula kay Jill Resontoc