Nakalatag na ang seguridad na ipatutupad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa mga head of economies na darating sa bansa para sa APEC Summit sa susunod na linggo.
Ayon kay Colonel Restituto Padilla, Spokesman ng AFP, nakataas na ang blue alert sa National Capital Region, ibig sabihin, kalahati ng puwersa ng AFP ay naka-standby na sa kani-kanilang himpilan.
Sinabi ni Padilla na magkakaiba ang lebel ng seguridad na ibibigay nila sa bawat lider ng mga bansang kalahok sa APEC Summit.
“May naka-assign pong team sa kanila, siya ang may responsibilidad na alamin at pagtuunan ng pansin para sa security nung ating heads of economies kasi may kanya-kanyang personalidad, may kanya-kanyang activities sa bawat araw, tulad niyan may mga gustong maghanap ng bagong kainan, gustong tikman ang ating mga lutong Pilipino.”Ani Padilla.
Ayon kay Padilla, ang bawat team na nakatalaga sa isang head of state ay inatasan rin nilang pag-aralan ang personalidad ng lider na kanilang babantayan.
Ito’y bilang paghahanda na rin sa mga kakaibang sitwasyon na puwedeng mangyari habang narito sa bansa ang mga head of state.
“Kaya yung iba-ibang pong requirements nila ay pinagtutuunan natin at binibigyan natin ng angkop na security coverage, hindi po natin maihahambing lahat ng heads of economies na pare-pareho at pantay-pantay ang kanilang risk level, tulad po ng malalaking bansa, ang kanilang risk ay mataas at may angkop po tayong puwersa na naka-assign sa kanila.” Pahayag ni Padilla.
Task Force Maritime Security handa nang magbantay sa karagatan
Samantala, naka-deploy na ang 400 miyembro ng Task Force Maritime Security na magbabantay sa karagatan sa kasagsagan ng Asia Pacific Economic Cooperation Summit sa susunod na linggo.
Mismong si Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ricardo Marquez ang nanguna sa send off ceremony sa mga miyembro ng maritime security.
Ang task group ay binubuo ng mga opisyal at tauhan ng Philippine Coast Guard, Naval Forces Central ng Philippine Navy at PNP Maritime Group.
Binuo ang grupo upang siguraduhing ligtas ang karagatan na nakapalibot sa mga lugar na pagdarausan ng APEC Summit.
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas