Mahalagang bigyan ng proteksyon at tamang pasahod ang mga manggagawa tuwing may kalamidad, tulad ng epekto ng mga nakaraang bagyo at ng Hanging Habagat.
Giit ng Trabaho Partylist, tututukan nila sa Kongreso ang mga hakbang na magbibigay ng dagdag na proteksyon sa mga manggagawa sa panahon ng sakuna, kabilang ang panukalang calamity pay para sa mga empleyadong napipilitang pumasok sa trabaho sa gitna ng bagyo, at iba pang uri ng assistance para sa labor sector.
Sabi ng grupo, mahalagang maipasa ang mga ganitong panukala upang masiguro na ang mga manggagawa ay may sapat na seguridad at suporta, hindi lamang sa normal na panahon, kundi lalo na sa oras ng sakuna.
Bukod dito, ayon sa Trabaho, mahalaga rin ang patuloy na pagpapaalala ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employers hinggil sa kanilang obligasyon na pangalagaan ang seguridad at kapakanan ng kanilang mga empleyado sa panahon ng sakuna.
Tinukoy ng grupo ang Labor Advisory No. 17, series of 2022, na nagbibigay gabay sa mga kumpanya tungkol sa pagsuspinde ng trabaho dahil sa masamang panahon.
Batay sa naturang advisory, ang mga empleyadong nagtrabaho nang hindi bababa sa anim na oras bago suspendihin ang operasyon ay dapat makatanggap ng buong sahod para sa araw na iyon.
Sinasabing kung mas maiksi ang oras ng trabaho, ang empleyado ay tatanggap ng “proportionate wage” batay sa mga oras na siya ay nagtrabaho.
Sa mga pagkakataong hindi makapasok sa trabaho dahil sa kalamidad, maaari umanong hindi makasahod ang manggagawa.
Subalit iginiit ng Trabaho Partylist na hindi dapat ito maging dahilan para sila ay maparusahan ng kanilang mga kumpanya.