Responsibilidad ng technology provider na Smartmatic ang seguridad ng mga PCOS machine.
Ito ang reaksyon ni Ambassador Henrietta “Tita” de Villa Chairperson ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPCRV sa balitang maari umanong isabotahe ng China ang 2016 elections.
Ayon kay de Villa, dapat siguraduhin ng Smartmatic ang seguridad ng mga PCOS machine dahil nasa poder nila ang manufacturing site ng mga makina.
“’Yung technology provider ang Smartmatic will be responsible for that kasi sila ang nagbibigay sa atin ng PCOS, sa kanila manggagaling at nasa kanilang poder ang manufacturing site, ‘yung lugar ‘yung gusali kung saan gagawin ‘yun dapat tiyakin natin sa kanila na gawing secured ‘yun.” Ani de Villa.
Sinabi rin ni de Villa na kung talagang may basehan ang intelligence report na nakarating kay Commission on Elections (COMELEC) Commissioner Christian Robert Lim sa umano’y tangkang pananabotahe ng China sa may 2016 elections, mag-la-lobby ang PPCRV para ilipat ang manufacturing site ng Smartmatic.
“Kung talagang nangyayari at malakas ang kanilang intelligence reports na baka nga ma-sabotage ‘yung PCOS, sasama kami sa pag-lobby na talagang kailangang ilipat nila ang manufacturing site.” Pahayag ni de Villa.
By Mariboy Ysibido | Ratsada Balita