Mahigpit na ang ipinatutupad na seguridad sa mga simbahan kasabay ng paggunita ng mga Katoliko sa mga Mahal na Araw sa susunod na linggo.
Sa National Shrine of Our Lady of Manaoag sa Pangasinan, dinagdagan na ang mga pulis na nagbabantay sa lugar upang paghandaan ang pagdagsa ng mga deboto.
Kapansin-pansin na rin ang mga itinayong public assistance desk sa Redemptorist Church sa Baclaran sa Parañaque na isa sa mga dinarayo ng mga deboto lalo na kung sasapit ang araw ng Miyerkules.
Ganito rin ang sitwasyon sa basilika ng Nazareno sa Quiapo sa Maynila kung saan, inaasahang bubuhos ang mga deboto sa Biyernes Santo kasunod ng isasagawang prusisyon ng Itim na Nazareno.
Pilgrim churches
Nagsisimula na ring dumagsa ang mga Katoliko sa mga itinalagang pilgrim churches kasabay ng paggunita sa mga Mahal na Araw sa panahon ng Jubilee Year of Mercy.
Ayon sa ilang usherettes ng Archdiocesan Shrine ng Divine Mercy sa Mandaluyong, hindi bababa sa tatlo hanggang apat na bus mula sa iba’t ibang lugar ang dumarayo sa kanilang simbahan.
Kabilang din sa mga itinalagang pilgrim church sa Archdiocese of Manila ay ang makasaysayang Manila Cathedral, National Shrine of Sacred Heart sa Mandaluyong, Sanctuario de Santo Cristo sa San Juan at ang Our Lady of Sorrows Parish sa Pasay.
Ayon kay Fr. Feliciano Marquez ng Our Lady of Sorrows Parish, dapat paghandaan ng mga mananampalataya ang sarili sa pamamagitan ng pagtitika at pagbabayad puri sa mga kasalanang nagawa.
Maliban dito, sinabi pa ng pari na dapat unawain din ang kahalagahan ng pagbibigay awa at habag sa pamamagitan ng pagpapatawad sa kapwa.
By Jaymark Dagala