Kasado na ang inilatag na seguridad ng NCRPO o National Capital Region Police Office para sa ikalawang SONA o State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 24.
Pero ayon kay NCRPO Chief Director Oscar Albayalde, hindi tulad ng mga nakalipas na SONA, hindi sila magbabarikada para harangin ang mga militante na magsasagawa ng kanilang pagkilos sa nasabing araw.
Sa halip aniya, palalapitin pa nila ang mga ito mula labinlima hanggang dalawampung metro sa Batasan Complex alinsunod na atas sa kanila ng Office of the President.
Pagtitiyak pa ni Albayalde, maximum tolerance ang kanilang paiiralin sa kabuuan ng SONA ng Pangulo kaya’t pinagbawalan niyang magdala ang mga pulis ng mga baril, kalasag at baton.
Wala rin aniyang ipoposteng container van ngunit maglalagay sila ng mobile jail sa lugar sakaling may manggulo o lalabag sa batas sa nasabing araw.
No threats
Mananatiling normal ang operasyon ng NCRPO o National Capital Region Police Office tulad na lang ng kanilang ginagawa tuwing may malalaking okasyon.
Ito ang pagtitiyak ni Albayalde sa kabila ng bantang pag-atake ng mga miyembro ng partido komunista ng Pilipinas – Bagong Hukbong Bayan bilang pagtutol sa pagpapalawig ng Martial Law sa Mindanao.
Ayon kay Albayalde, wala silang nakikitang anumang banta ng terorismo lalo na sa papalapit na ikalawang SONA o State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 24.
Una nang inihayag ng NCRPO na tinatayang nasa animnalibo at tatlongdaang (6,300) pulis ang kanilang ipakakalat sa mismong araw ng SONA na mas mataas kumpara sa apat na libo (4,000) na kanilang ipinakalat noong isang taon.
By Jaymark Dagala
Seguridad ng pulisya para sa SONA all set na was last modified: July 19th, 2017 by DWIZ 882