May pinapalnong pag-atake ang grupong Islamic State of Iraq and Syria o ISIS kay Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang nasa India ngayon kaugnay ng pagdalo sa ASEAN–India Commemorative Summit.
Ito ang lumabas sa ulat ng The Prin sa New Delhi, India kung saan nais umanong maghiganti ng ISIS laban sa Pangulo matapos ang pagkaka-nutralisa ng mga miyembro ng Maute at pagkakapatay sa emir ng ISIS na si Abu Sayyaf leader Isnilon Hapilon.
Sa kabila nito, tiniyak ng Palasyo na ginagawa ng Presidential Security Group o PSG at Indian authorities ang lahat ng mga hakbang para masiguro ang kaligtasan ni Pangulong Duterte.
Sinabi pa ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi patatakot sa anumang banta ng ISIS at maging sa iba pang teroristang grupo si Pangulong Duterte.
Giit ni Roque na patuloy ang laban ng Pangulo para wakasan ang terorismo sa Pilipinas.
Ilang pulong pa ang nakatakdang daluhan ngayong araw ng Pangulo sa New Delhi kasama ng 9 na lider ng ASEAN at ng India na lumahok sa ASEAN-India Commemorative Summit doon.
(Ulat ni Jopel Pelenio)