Nagsanib puwersa na ang Commission on Elections (Comelec), Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) para sa ilalatag na seguridad sa nalalapit na May 2019 midterm Elections
Kanina, lumagda ng joint letter of directive sina Comelec Chair Sherrif Abbas, AFP Chief of Staff Gen. Benjamin Madrigal at PNP Chief Gen. Oscar Albayalde sa isinagawang high tri-level meeting ng tatlong ahensya ng pamahalaan.
Dumalo rin sa nasabing pulong sa Kampo Aguinaldo ang lahat ng mga area commanders ng AFP gayundin naman ang mga ground commanders ng PNP kabilang na si NCRPO Director PM/Gen. Guillermo Eleazar.
Sinabi ni Madrigal, ang pagsasanib puwersang ito ng militar at pulisya ay bahagi ng kanilang pagsusumikap na matiyak na magiging tahimik, mapayapa at maayos ang ikakasang halalan.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang umiiral na gun ban, pinalakas din ng PNP ang kanilang kampanya laban sa krimen at mga loose firearms.
Kuntento naman si Comelec Chairman Abbas sa inilatag na seguridad ng militar at pulisya at maituturing naman aniyang managable ang sitwasyon sa buong bansa.
Apela naman ng AFP sa publiko, makipag-ugnayan agad sa mga awtoriad kung may mapapansin silang kakaiba sa kani-kanilang nasasakupan.
Rekomendasyong tanggalan ng police escort ang mga sa narco-list inirekomenda na ng PNP sa Comelec
Pagpapasyahan ngayong hapon ng Comelec En Banc kung pagbibigyan nila ang rekomendasyon ng pambansang pulisya na matanggalan ng police security detail ang mga kandidatong kabilang sa tinaguriang narco-list.
Ito ang kinumpirma ni Comelec Chairman Sherrif Abbas matapos ang isinagawang joint security coordinating center meeting para sa 2019 mid-term elections sa mayo na ginawa sa Kampo Aguinaldo kanina.
Magugunitang ipinag-utos ng Comelec nuong enero sa pnp na tanggalin ang lahat ng police escort ng mga tatakbo sa halalan subalit may mangilan-ngilan pa rin ang nag-apply para rito.
Ayon naman kay PNP Chief Gen. Oscar Albayalde, tutukuyin pa nila kung sinu-sino sa kanilang listahan ng mga pulitiko ang napagbigyan ng security escort.
Sa katunayan, pinag-aaralan na rin nila kung tatanggalan na rin ng security escort ang mga pulitikong may kaugnayan sa CPP-NPA partikular na iyong mga nagbabayad ng permit to campaign at permit to win.
Pero paglilinaw ni Albayalde, tanging ang mga pulis na nagsisilbing personal bodyguards lamang ang tatanggalin ng PNP at hindi iyong mga ipinakalat sa paligid ng kanilang mga aktibidad.
Honorarium ng mga guro sa eleksyon tiniyak ng Comelec
Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) sa mga Guro na magsisilbing Board of Election Inspectors (BEI) na matatanggap pa rin nila ang kanilang honorarium.
Iyan ang reaksyon ni Comelec Chairman Sherrif Abbas matapos ganap na lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang national budget para sa taong ito
Sa isinagawang joint security coordinating center meeting sa Kampo Aguinaldo kanina, sinabi ni Abbas na kahit inaprubahan ang budget o ito may reenacted, may nakalaan pa rin naman aniyang P1.5 billion para sa mga guro.
—–