Kasado na ang seguridad at iba pang kailangan para sa mapayapa at maayos na traslacion, araw ng Sabado, January 9.
Ayon kay Manila Vice Mayor Isko Moreno, wala namang pagbabago sa mga hamon na kinakaharap nila tuwing Pista ng Nazareno.
Lumalaki o lumiliit anya ang mga hamon, depende sa dami ng mga deboto na dumadalo sa traslacion.
Nakahanda na anya ang mga magmamando sa trapiko, ang medical team at responding units ng PNP para sa traslacion at nakaalerto na rin ang 6 na ospital na pinatatakbo ng pamahalaan ng Maynila.
Samantala, nanawagan si Moreno sa publiko na iwasang magtapon ng mga matutulis na bagay sa kalsada dahil karamihan sa mga sumasama sa prusisyon ay nakaapak.
‘Pahalik’
Patuloy na dinaragsa ang Poong Nazareno sa Quirino Grandstand para sa tradisyunal na pahalik.
Alas-6:00, Huwebes ng gabi nang buksan para sa mga deboto ang pahalik na magtutuloy-tuloy hanggang Sabado ng madaling araw.
Napag-alamang alas-5:00 ng madaling araw ng Biyernes ay umabot na sa halos 12,000 deboto ang nakahalik sa Poong Nazareno.
Sa katunayan, lumampas na sa Roxas Boulevard ang pila mula sa Quirino Grandstand.
Sa kabilang bahagi ng Qurino Grandstand o sa gilid ng US Embassy nagsisimula ang pila samantalang lalabas ang mga nakahalik na sa kanang bahagi o sa may Manila Hotel.
Taliwas sa nakaugalian, maagang inilipat sa Quirino Grandstand ang Poong Nazareno upang mapagbigyan ang lahat ng nais na makahalik dito bago ang traslacion.
By Len Aguirre | Ratsada Balita