Itinaas na ng militar ang kanilang alerto kasabay ng traslacion ng mahal na poong Itim na Nazareno sa ika – 9 ng Enero, Martes ng susunod na linggo.
Ayon kay Brig/Gen. Allan Arrojado, commander ng Joint Task Force National Capital Region (NCR), ipinag-utos na nila sa kanilang mga sundalong nakabakasyon na agad bumalik sa kanilang mother units para sa okasyon.
Isang batalyon o nasa limangdaan (500) hanggang isanglibong (1,000) sundalo ang kanilang ipakakalat sa lungsod ng Maynila partikular na sa mga lugar na daraanan ng traslacion mula Luneta hanggang Basilica Minore ng Quiapo.
Kasunod nito, inanunsyo rin ng Manila Police District o MPD na magpapatupad din sila ng dalawang araw na gun ban at temporary liquor ban mula hating gabi ng Enero 8 hanggang 12:00 ng hating gabi ng Enero 10.
Ayon kay MPD Director C/Supt. Joel Coronel, tanging ang mga pulis na naka-duty lamang ang papayagang magbitbit ng baril kaya’t pinapayuhan nila ang mga gun owners na iwasan muna ang pagdaan sa mga kalsada ng lungsod sa nabanggit na mga petsa.
Paglilinaw pa ni Coronel, hindi saklaw ng ipatutupad na temporary liquor ban ang mga establisyementong may permiso o accredited ng Department of Tourism (DOT) para sa pagbebenta ng mga nakalalasing na inumin.
Sa panig naman ng National Capital Region Police Office, sinabi ni NCRPO Chief, Director Oscar Albayalde na pinagaaralan na nila ang pagpapatupad ng signal jamming sa daraanan ng prusisyon bagama’t wala naman silang mga natatanggap na malaking banta sa seguridad sa okasyon.