Halos nasa final stage na ang ginagawang paghahanda ng Pambansang Pulisya, para sa seguridad na ipatutupad sa APEC Summit sa Nobyembre.
Ayon kay Police Director Ricardo Marquez, Commander ng Joint Taskforce para sa APEC 2015, kanila nang iniinspeksyon ang mga hotel sa Iloilo, at iba pang lugar na maaring puntahan ng mga delegado.
Sinabi ni Marquez na sa mga susunod na linggo ay magsisimula na din silang magsagawa ng dry run, upang maagang matukoy, kung mayroon silang dapat baguhin sa plano.
Sa Nobyembre ay nakatakdang dumating sa bansa ang 21 world leaders at 24 na prime ministers.
Tiniyak din ng Philippine National Police (PNP) Aviation Security Group, na mayroon na silang sapat na koordinasyon sa iba’t ibang ahensya, para sa APEC Summit sa Nobyembre.
Ayon kay Gen. Pablo Balagtas, Direktor ng PNP Aviation Security Group, nakikipag-ugnayan sila sa Presidential Security Group, na magsisilbing closed-in security ng head of states, na dadalaw sa bansa.
Tuloy din aniya ang kanilang pakikipagpulong sa ibang ahensya, katulad ng PNP Headquarters, Civil Aviation Authority of the Philippines, MIAA, DOTC at NTC, para sa mga paghahandang dapat gawin.
Nakiusap din ng pang-unawa, si Balagtas sa publiko, para sa mas mahigpit na seguridad sa mga paliparan na kanilang ipatutupad sa Nobyembre.
By Katrina Valle | Chris Barrientos (Patrol 21) | Raoul Esperas (Patrol 45)