Iniimbestigahan na ng SPD o Southern Police District ang nangyaring gulo sa naunsyaming ASEAN music festival kamakalawa ng gabi sa Ayala Triangle, Makati City.
Bagama’t may mga natatanggap na umanong ulat ang NCRPO o National Capital Region Police Office, sinabi ni NCRPO Chief Dir. Oscar Albayalde na wala pa ring inisyal na resulta ang imbestigasyon.
Inamin din ni Albayalde na kaya sumobra ang tao sa loob ng Ayala Triangle ay dahil sa maliit na espasyo gayundin ang kawalan ng mga L.E.D screens para panuoran ng mga dumalo sa nasabing konsyerto.
Batay sa tala ng Department of Health, nasa 50 indibiduwal ang naipit sa nangyaring gulo kung saan, walo rito ang nagtamo ng sugat sa katawan habang nasa 42 naman ang nakaranas ng hirap sa paghinga.
Subalit sa kabuuan ng ASEAN summit, sinabi ni Albayalde na kuntento siya sa inilatag na seguridad bagama’t may ilang naitalang insidente ng panggugulo ng iba’t ibang militante.
Kasunod nito, pinasalamatan ni Albayalde ang publiko dahil sa pakikipagtulungan nito at pagsuporta sa pulisya sa kabuuan ng okasyon.